Manila, Philippines – Tangggap at hindi minamasama ni Senator Richard Gordon ang matitinding banat sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nirerespeto niya ito at itinuturing na kaibigan.
Paliwanag ni Gordon, mabuti ang intensyon niya sa pagpuna sa pagtatalaga ng Pangulo sa mga retiradong opisyal ng militar at pulisya dahil nais lamang niyang matiyak na hindi magkakaroon ng militarisasyon sa pamahalaan.
Paglilinaw ni Gordon, malaki din ang respeto niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ito ang nagbibigay proteksyon sa mamamayan at sa buong bansa.
Ayon kay Gordon, patunay nito ang mga hakbang niya bilang senador, tulad ng paghahain ng mga panukala para mapalakas ang Sandatahang Lakas, Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG).
Tiniyak ni Gordon na sa kabila ng mga banat sa kanya ni Pangulong Duterte ay patuloy siyang tututok sa kanyang trabaho para mapaglingkuran ang bayan at mamamayan.
Nagpasalamat din si Gordon sa pag-aalala ng Pangulo sa malaking sukat ng kaniyang bewang, pero saksi ang misis nya na nababawasan o lumiliit na ito.
Ayon kay Gordon, natutuwa siya na concern si Pangulong Duterte sa kaniyang kalusugan dahil ganun din naman ang malasakit niya sa kalusugan ng Pangulo.