Matrikula sa kursong medisina sa walong SUCs sa bansa, libre na

Manila, Philippines – Wala ng bayad ang tuition fee ng mga medical students sa walong State Universities and Colleges (SUCs) sa buong Pilipinas.

Ito ay batay sa joint memorandum circular na inilabas ng Commission on Higher Education at Department of Budget and Management.

Ayon kay CHED Commissioner Prospero “Popoy” De Vera, P317.1 million ang nailaang pondo para sa libreng matrikula ng medical students para sa school year ‎2017-2018 kung saan humigit-kumulang sa P40 milyon ang ibibigay na pondo sa bawat piling unibersidad.


Ang SUCs na sakop ng Cash Grants to Medical Students Enrolled In State Universities And Colleges (CGMS-SUCS) program ay ang University of Northern Philippines sa Ilocos Sur, Mariano Marcos State University, Cagayan State University, Bicol University, West Visayas State University, University of the Philippines-Leyte, Mindanao State University at University of the Philippines-Manila.

Ayon kay De Vera, walang grade requirement sa libreng tuiton basta’t regular ang estudyante at pasado ang lahat ng grades.
Nilinaw naman ni De Vera na kapag nagtapos na ang isang benepisyaryo ay kailangan niyang magsilbi sa mga ospital sa bansa na tatagal base sa kung ilan taon itong naging benepisyaryo.

Facebook Comments