Matteo Guidicelli, hindi daw sinuntok ang bodyguard ni Sarah Geronimo

509
Image from IG/Matteo Guidicelli

Mariing pinabulaanan ni Matteo Guidicelli ang paratang na sinuntok niya sa leeg ang body guard ni Sarah Geronimo matapos madiskubre ng nanay ni Sarah Geronimo na ikakasal ang dalawa.

“Wala akong sinuntok,” sabi ng actor-turned-army reservist sa phone interview ni ABS-CBN News reporter Mario Dumaual noong Biyernes, Pebrero 21.


Batay pa sa ulat, pinasalamatan ng mister ng “Popstar Royalty” ang lahat ng kanilang well-wishers.

Subalit tumanggi siyang magpaliwanag sa maaring dahilan ng pagpapa-blotter ng bodyguard na si Jerry Cortes Tamara.

Wala din ibinigay na detalye si Guidicelli kaugnay sa secret wedding nila ng singer-actress.

Naging kontrobersiyal ang masaya sanang pag-iisang dibdib ng tinaguriang “AshMatt” couple makaraang sumugod si Mommy Divine Geronimo sa venue dahil hindi umano siya sinabihan hinggil sa kasalan.

Ayon sa police report, si Tamara ang itinuturong nagsiwalat sa nanay ni Sarah tungkol sa pribadong okasyong naganap sa Shangri-La Hotel, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City noong Huwebes ng gabi, Pebrero 20.




Ito raw ang sinasabing dahilan kung bakit nagtalo at nasaktan ni Guidicelli ang bodyguard ng kaniyang maybahay.

Ipinakita din ng 31-anyos na close-in security sa pulisya ang isang medical certificate mula sa Taguig-Pateros District Hospital.

Pero sa kabila ng ginawang pagpapa-blotter, hindi nagsampa ng kaso si Tamara laban sa asawa ni Geronimo.

Matatandaang hindi magkasundo sina Matteo at Mommy Divine simula nang maging nobyo siya ng “Popstar Royalty” noong 2014.

Humingi ng tawad si Matteo sa magulang ng singer-actress sa pamamagitan ng social media bunsod ng mga hindi pagkakaintindihan noon.

“Mahal na mahal ko po si Sarah. Mahal ko din po kayung magulang nya at mga kapatid nya. Hangad ko po na maging isang pamilya tayo. Pangako ko po na aalagan ko si Sarah na kapareho ng pangangalaga nyo sa kanya,” mensaheng isinulat ng army reservist noong Nobyembre 2019.

 

Facebook Comments