Matumal na bentahan, posibleng nagpapataas sa presyo ng itlog

Naniniwala ang Egg Board Association of the Philippines na walang nangyayaring kartel o manipulasyon sa presyo ng itlog.

Sa harap ito ng bahagya na namang pagtaas ng presyo ng itlog sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ayon kay Philippine Egg Board Chairperson Gregorio San Diego, nananatili sa P7.10 ang farmgate price ng itlog.


Aniya, marahil ay tumataas ang presyo ng itlog sa mga palengke dahil sa matumal na bentahan nito ngayon bukod pa ang malaking gastos ng mga trader sa transportasyon.

“Kasi mahirap ang buhay. Di ba, kapag nagtanong kayo sa mga palengke, minsan sinasabi ng mga tindera e, sobrang tumal. So, kapag maliit ang volume na naibebenta mo, tinataasan mo ang margin para makapag-uwi ka pa rin ng income, dun sa mga nagtitinda. Ngayon, sa mga middleman naman, syempre sila yung humahakot sa mga farm, tumaas yung fuel, tumaas ang mga gastos nila, siguro nagdaragdag din sila ng margin. Pero kapag naririnig namin yung presyo na P10, masyadong Malaki na yung tubo do’n,” saad ni San Diego.

Samantala, ayon kay San Diego, dahil nga matumal ang bentahan ay hindi tayo nagkukulang sa suplay ng itlog kahit na mababa ang produksyon nito ngayon.

Gayunman, pinangangambahan ng mga egg broiler na lalong bumaba ang demand dahil mas marami rin ang titigil sa pagpo-produce ng itlog bunsod ng mahal na gastos lalo na sa patuka.

Facebook Comments