Maute at iba pang teroristang grupo sa Marawi, kontrolado pa rin ang siyudad

Marawi City – Naisumite na ng Malakanyang sa Kamara ang liham ng request ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa extension ng martial law sa Mindanao.

Nakasaad sa request na batay sa personal na assessment ng Presidente at sa rekomendasyon ng AFP at PNP, lumalabas na umiiral pa rin ang rebelyon sa Mindanao.

Sa nasabing liham, hindi lamang Maute terror group ang nais i-neutralize ng gobyerno kundi may iba pang Maute-ASG-BIFF inspired group ang dapat na matugis.


Inamin ng gobyerno na apat na barangay pa sa Marawi ang kontrolado pa ng mga rebelde.

Bukod dito, sa 279 na aarestuhin batay na rin sa pinaiiral na batas militar, 12 lamang sa mga ito ang naaaresto.

Nanatili pa ring at large ang mga lider ng teroristang grupo na sina ASG leader Isnilon Hapilon, ang Maute brothers na sina Abdullah, Omarkhayam at Abdulasiz, at ang dayuhang terorista na si Mahmud Bin Ahmad.

Mayroon ding natanggap na impormasyon ng pag-atake sa Basilan, Cagayan de Oro, General Santos City, Zamboanga at Lanao del Norte.

Dahil dito, hiniling ng Pangulo sa Kongreso na i-extend hanggang sa pagtatapos ng taon o sa December 31, 2017 ang martial law at ang suspension ng writ of habeas corpus sa Mindanao.

Facebook Comments