Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na mauubos din ang bala ng Maute Group sa Marawi City sa kabila ng pagpapatuloy ng pakikipagbakbakan nito sa puwersa ng Militar doon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, talagang pinili ng mga terorista ang commercial area ng lungsod upang masustentuhan ang kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig at iba pang kagamitan.
Inihayag din ni Abella na bago pa man lumala ang sitwasyon noon sa Marawi ay pinasok na ng Maute ang Marawi City Jail at pinakawalan ang mga preso doon at pinasok din ang armory ng naturang kulungan para makakuha ng karagdagang armas.
Pero sinabi ni Abella na darating din ang panahon na mauubusan din ang Maute ng bala at maiipit din ang mga ito ng mga otoridad.
Una nang tiniyak ni Armed Forces of the Philippines Spokesman Brigadier General Restituto Padilla na hindi mauubusan ang Pamahalaan ng Bala at anomang armamento para matalo ang Maute group sa Marawi City.
DZXL558