Mawala ang korapsyon sa Pilipinas, kasama sa panalangin ng ilang deboto ngayong Traslacion 2026

Ilang oras bago mag-umpisa ang Traslacion bukas ng madaling araw, tuloy-tuloy ang dagsa ng mga deboto sa Quirino Grandstand

Hindi alintana ng maraming deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang init, ilang oras na pagtayo at mahabang pila para sa ilang segundong pagkakataon upang makalapit sa imahen ng Señor upang idulog ang kanilang mga panalangin.

Isa na rito si Nanay Cherry mula sa Maynila kung saan dalangin niya ang mabuting kalusugan.

Kasama rin daw sa kaniyang panalangin ang kalagayan ngayon ng Pilipinas sa gitna na rin ng mga kabi-kabilang isyu sa bansa.

Ganito rin ang dasal ni Udonis mula sa Quezon City bukod sa para sa kaniyang ina.

Samantala, tuloy-tuloy na ang pagdating ng mga deboto na naglatag na sa harap ng grandstand upang dito na magpalipas ng gabi.

Alas-kwatro naman ng hapon nang pormal nang mag-umpisa ang programa sa Quirino Grandstand para sa Traslacion 2026.

Facebook Comments