Mawawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis, posibleng umabot sa limang milyon o higit pa

Sa pagdinig ng Senado ay inihayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na maaaring umabot sa limang milyon o higit pa ang mawawalan ng trabaho sa pagtatapos ng taon dahil sa COVID-19 health crisis.

Pero nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto kung pwede pang umabot ‪sa 10‬-milyon ang mawawalan ng trabaho ay inamin ni Bello na posible ito.

Ayon kay Bello, sa ngayon ay nasa 2.6-milyon na ang nawalan ng trabaho dahil sa mga negosyo na pansamantalang nagsara.


Habang ang iba naman ay nagpatupad ng flexible work arrangement kaya nabawasan ang araw ng pasok sa trabaho.

Ipinaliwanag ni Bello na malaking bilang sa mga mawawalan ng trabaho ay nasa service sector, turismo at mga konektadong negosyo sa tourism industry tulad ng mga restaurant o transportasyon.

Kaugnay nito ay humiling ang DOLE ng 40-billion pesos para sa recovery program.

Sabi ni Bello, nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagpapatuloy ng mga proyektong magpapanatili sa mga trabaho sa construction industry.

Sa pagdinig ay nabanggit naman ni Recto na ang ibang manggagawa na mananatili sa trabaho ay posibleng lumiit ang kita dahil bukod sa mga tip na mawawala ay may mga kompanya na baka hindi makapagbigay ng mga dagdag na bonus.

Facebook Comments