MAXIMUM PASSENGER CAPACITY SA MGA PAMPUBLIKONG TRANSPORTASYON, IGINIIT

Pinaalalahanan ng Land Transportation Office Region 1 ang mga operator ng Public Utility Vehicles ukol sa umiiral na polisiya sa pagbabawal ng overloading ng mga pasahero o ang Anti-Sardinas Policy.

Nakasaad sa mga umiiral na memorandum ang pinahihintulutang bilang ng pasahero sa iba’t-ibang uri ng sasakyan kabilang ang basehan na nakalagay sa manufacturer’s specification.

Sa mga UV Express tulad ng AUV, 9 na pasahero lamang ang kapasidad kabilang ang driver, 10 pasahero kabilang ang driver naman sa mga regular na van, at 12 pasahero kabilang ang driver o higit pa ang maaari naman sa mga commuter extended vans.

Samantala, 12 hanggang 32 pasahero naman ang pinpayagan sa mga traditional at modern jeepneys depende sa tinukoy ng manufacturer habang 50 o higit pa sa mga pampasaherong bus ngunit hindi dapat lumagpas sa limang nakatayo o standing passenger kada kwadrado ng espasyo.

Iginiit din ang pagbabawal sa standing passengers sa mga mahahabang byahe gayundin ang hindi paglagpas ng kabuuang bilang ng mga nakaupo at nakatayong pasahero sa nakasaad sa markings ng sasakyan base sa kautusan ng Department of Transportation.

Kapag hindi nasunod, maaaring mapatawan ng multa at suspension o kanselasyon ng Certificate of Public Convenience ang lumabag na operator. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments