Maximum security compound ng Bilibid, maluwag ang seguridad nang tumakas ang PDL na si Michael Cataroja

Maluwag ang maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) nang tumakas ang Person Deprived of Liberty (PDL) na si Michael Cataroja.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Cataroja na maluwag noong tumakas siya sa maximum compound dahil walang keeper na nagbabantay at walang security patrol unit (SPU) na nag-iikot para mag-inspeksyon sa kanila.

Nang matanong naman ni Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Francis Tolentino kung ilang linggo nang walang nagbabantay sa kanila sa loob ng Bureau of Corrections (BuCor), sinagot ni Cataroja na dalawang linggo na walang keeper sa maximum security.


Inamin naman ni dating OIC NBP Camp Commander Senior Inspector Purificacion Hari na noong naupo siya bilang OIC sa maximum-security compound noong April 12 ay saka inalis ang mga keepers at SPU.

Aniya, dahil inalis ang mga keepers at SPU ay kinakabahan siya dahil walang magpapanatili ng ‘peace and order’ sa loob ng maximum security compound at bilang babae ay mahirap ito.

Binasa naman ni Tolentino ang sinumpaang salaysay ni Hari kung saan itinuturo nito na dahil sa kaluwagan ni BuCor Deputy Director Angelina Bautista sa pamamahala sa maximum-security compound kaya naging napakaluwag sa mga PDLs.

Mariin namang itinanggi ito ni Bautista, at iginiit na ang mga ni-relieve sa pwesto na mga keepers at security patrol unit ay mga iniimbestigahan dahil sa ‘pangangaroling’ kahit hindi pasko o panghihingi ng pera sa bawat commander.

Binigyang diin pa nito na trabaho at tungkulin ng commander of the guards na magtalaga ng mga ipapalit sa mga inalis sa pwesto pero hindi naman ito ginawa.

Sa huli ay humingi naman ng paumanhin si Cataroja sa BuCor na nadamay sa ginawa niyang kalokohan partikular sa kanyang mga kakosa sa Sputnik gang at mga commanders na nailipat ng lugar.

Facebook Comments