Maximum tolerance, ipatutupad ng PNP kasabay ng nationwide transport strike ngayong araw

Magpapatupad ng maximum tolerance ang Philippine National Police (PNP) kasabay nang ikakasang tigil-pasada ngayong araw ng grupong PISTON.

Ayon kay PNP Public Information Office Acting Chief PCol. Jean Fajardo, mahigpit ang tagubilin ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., sa mga pulis na pairalin ang maximum tolerance pero hayaan ang mga raliyista na maghayag ng kanilang saloobin basta’t hindi ito makaaabala sa karapatan ng iba.

Nakiusap din aniya sila sa mga makikilahok sa nasabing transport strike na huwag mamilit ng kapwa nila tsuper na ayaw sumama sa tigil-pasada.


Ani Fajardo, ayaw nilang humantong sa arestuhan ang kanilang paghahayag ng saloobin bilang bahagi naman ito ng demokratikong proseso.

Kasunod nito, handa rin ang PNP na umalalay sa mga mai-i-stranded na mga motorista sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay.

Mayroon din aniya silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga maaabalang motorista.

Ang naturang tigil-pasada ng grupong PISTON ay para tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle (PUV) sa December 31.

Facebook Comments