Maximum tolerance, paiiralin ng PNP sa mga kilos-protesta

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na paiiralin ang maximum tolerance sa pagharap sa mga magsasagawa ng kilos-protesta sa ngayong araw kaugnay sa gagawing huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero paalala ni Police Chief General Guillermo Eleazar, hindi dapat susuway sa patakaran ang mga magkikilos-protesta.

Mahalaga rin na ang mga raliyista ay bantayan ang kanilang hanay.


Sinabi ni Eleazar na sa nakalipas na limang SONA ng pangulo ay pinatunayan na ng PNP na kaya nilang rumespeto ng karapatan ng mga gustong magpahayag ng saloobin sa protesta.

Aniya pa, mahalaga lamang ay sumunod sa mga panuntunan ang mga raliyista lalo’t kinumpirma na ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.

Sentro ng kilos-protesta sa araw na ito ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City patungo ng Batasan Complex.

Facebook Comments