MAY ANOMALYA? | COA, pinuna ang sobrang allowances ng limang abogado OGCC

Manila, Philippines – Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang sobrang allowances ng limang abogado ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).

Sa taunang report ng COA, ang allowances na natanggap ng mga abogado ay lagpas sa 50 percent na limitasyong sa kanilang taunang basehang sahod na higit P621.7 million.

Kinilala ang mga abugadong ito na sina Elpidio Vega, na may P300,982 allowance; Medardo Devera, P96,322; Manuel Santos, 119,362; Efren Gonzales, P82,598; at Aniceto Calubaquib, P22,452.


Giit ng COA, dapat tumalima ang OGCC sa 1985 circular ng COA ukol sa allowances.

Ipinaalala rin ng COA sa OGCC na i-remit ang P2.8 milyong balanse nila mula pa sa kanilang 2016 special assessments at allowances.

Maliban rito, kinuwestiyon din ng COA ang annual team building at corporate planning session ng OGCC sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan mula Abril 20 hanggang 22, 2017 kung saan P622,950 ang ginastos .

Pero paliwanag ng OGCC, mayroong executive order na inilabas noong 1983 na nagsasabing otorisado ang mga abogadong mayroong ibang ginawang trabaho na tumanggap ng dagdag na kabayaran at pribilehiyo.

Hindi anila ito nagtakda ng hangganan kung magkano ang honoraria na puwede nilang makuha.

May batas din anila at isang DOJ circular na nagsasabing maaaring tumanggap ng allowances ang mga abogado ng OGCC ng hindi lalampas sa 100 porsiyento ng kanilang basehang sahod.

Facebook Comments