Manila, Philippines – Nangangamba si Senador JV Ejercito sa posibleng pagbagsak ng PhilHealth kung magpapatuloy ang maling paghawak ng pondo ng ahensya.
Sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee on National Health Insurance Program, sinabi ni Ejercito, na base sa kanyang mga nakalap na impormasyon, maaaring aabot sa P4 bilyon ang pinag-uusapang pagkalugi ng PhilHealth.
Ayon pa kay Ejercito, nakiusap na rin siya sa Malacañang na magtalaga na ng permanenteng pinuno ng PhilHealth para hindi tali ang mga kamay nito o limitado ang maaari niyang gawin.
Muli namang itinanggi ni PhilHealth Interim President Celestina Ma. Jude Dela Serna ang umano ay anomalya sa pondo ng ahensya.
Aniya, napupunta sa pangangalaga ng kalusugan ng mga miyembro nito ang kaban ng PhilHealth.
Itinakda naman ni Ejercito sa susunod na Miyerkules, Mayo 30, ang pagpapatuloy ng pagdinig sa sitwasyon ng PhilHealth.