May-ari ng barko na bumangga at nakapinsala sa Navotas navigational gate, pinagpapaliwanag

Pinagpapaliwanag na ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang may-ari ng barkong bumangga sa Navotas Navigational Gate na dahilan ng pagkabutas ng isang bahagi nito.

Kasunod na rin ito ng pakikipagpulong ng alkalde sa mga may-ari ng barko na ang barko na F/V Monalinda 98 na sangkot sa insidente.

Ang floodgate ng Navotas ay nagsisilbing barrier na pumipigil sa pagpasok ng tubig mula sa Manila Bay na dumaloy sa mga ilog ng Navotas at Malabon para hindi na ito magdulot ng pagbaha tuwing may malakas na ulan.

Kanina ay personal na ininspeksyon nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes at Mayor Tiangco ang Navotas Navigational Gate.

Ayon kay Chairman Artes, nananatili namang operational ang floodgate ngunit kasalukuyang nagsasagawa ng assessment para matukoy ang lawak ng pinsala sa pangkalahatang istraktura.

Sa preliminary inspection, ang itaas na bahagi ng navigational gate ay nagkaroon ng pagkasira dahil sa insidente.

Facebook Comments