Timbog sa entrapment operation ng awtoridad ang isang lalaki na may-ari ng canteen sa Brgy.Lobong, San Jacinto, Pangasinan.
Sa ekslusibong panayam ng IFM News Dagupan kay COP PMAJ Napoleon Velasco Jr., buhay pa ang aso na nakasilid at nakatali sa loob ng sako nang marekober sa bahay ng suspek.
Nanginginig pa umano ang aso nang dalhin sa pagamutan.
Hindi umano direktang niluluto sa canteen ng suspek ang karne ng aso ngunit kinakatay at ibinebenta sa mga interesadong buyer.
Naaresto ang suspek sa tulong ng impormasyon mula sa isang UK-based non-profit organization na tumututok sa kapakanan ng mga hayop.
Kasalukuyang sumasailalim sa gamutan ang aso sa isang veterinary clinic sa lalawigan.
Kamakailan, ilang insidente ng pananakit sa alagang aso sa Calasiao ang umani ng negatibong komento sa social media. Bukod pa rito, isa pang insidente ng bentahan ng karne ng aso ang napigilan ng awtoridad sa bayan ng Rosales.
Kaugnay nito, maaaring maharap sa pagmumulta ng P100,000 ang suspek o pagkakakulong ng nasa isa hanggang dalawang taon na nakasaad sa RA 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









