May-Ari ng Construction Company at 2 iba pa, Inaresto ng NBI Isabela

307

Cauayan City, Isabela-Arestado ang may-ari ng isang construction company kasama ang anak nito at isang engineer matapos isilbi ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang search warrant sa kanilang opisina sa Brgy. Patul, Santiago City noong biyernes, Hulyo 30.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay NBI Provincial Director Christopher Mesa, kinilala ang mga suspek na sina Pelido “Bobot” Bautista, nasa tamang edad; Ryan Bautista na anak nito at si Engr. Florencio Padernal Sr. na kabilang sa B. Bautista Quality Builders Construction Inc.


Batay sa imbestigasyon ng NBI Isabela, nangongolekta umano ng malaking halaga ng pera ang nasabing kumpanya para sa relocation, backfill at vicinity map na bahagi ng leasing contract para sa pagtatayuan ng tower ng isang telecommunication company subalit makalipas ng maraming taon ay wala umanong ipinepresenta na kahit ano ang nasabing kumpanya.

Ayon kay PD Mesa, ng beripikahin nila sa DITO telco ang nasabing construction company dahil sinasabing sila umano ay nabigyan ng awtorisasyon ng telco bilang contractor subalit itinanggi ng kumpanya ang kanilang pagkakaugnay sa nasabing kumpanya.

Nagsagawa rin ng hiwalay na pagbeberipika ang NBI sa Professional Regulation Commission (PRC) para alamin ang katauhan ni alyas “Bobot” hanggang sa napag-alaman na hindi lisensyadong inhinyero ito taliwas sa kanyang pagpapakilala sa kanyang mga kliyente.

Samantala, patuloy na inoobserbahan sa isang pribadong ospital sa nasabing lungsod si alyas “Bobot” matapos atakihin ng arestuhin ito ng mga awtoridad habang pinaghahanap pa rin ang kanyang asawa na nakatakas.



Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong Estafa committed by syndicate na kasalukuyang isinailalim sa inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office.

Facebook Comments