MAY-ARI NG DINEDEMOLISH NA BAHAY SA BUENLAG, BINMALEY, UMAAPELA NG TULONG MATAPOS ANG UMANO’Y ‘UNFAIR’ NA DESISYON NG DARAB

Umaapela ang may-ari ng ginigibang bahay sa Brgy. Buenlag, Binmaley, matapos silang patalsikin mula sa bahay at lupa na kanilang legal na binili, kasunod ng desisyon ng Provincial Department of Agrarian Reform Adjudication Board na nagpawalang-bisa sa kanilang pagmamay-ari.

Ayon sa mag-asawang Alvarez, legal ang kanilang pagmamay-ari sa higit isang ektarya ng pinag-aagawang lupa dahil nabili nila ito sa mismong may-ari at magdadalawang dekada na nilang binabayaran ang buwis para rito.

Dagdag nila, 2022 pa umano nang magsimula ang kasuhan sa dalawang panig, na kinabibilangan ng mga anak ng totoong may-ari, ngunit pumabor sa kanila ang desisyon ng adjudication board.

Noong nakaraang taon, bigla umanong nabago ang desisyon dahil iginiit umano ng kabilang panig ang pagiging tenants sa naturang lupain, gayong wala umano silang maipakitang tenancy agreement.

Ang ginigibang dos-grados na tahanan ng mag-asawa, ay naipundar umano mula sa kanilang pagtatrabaho abroad kaya masakit umanong makita na winawasak ang kanilang pangarap na ipinundar sa loob ng ilang taon.

Noong Miyerkules, Pebrero 18, nang magsimula ang demolisyon kaya napilitan ang mag-asawa na mag-alsabalutan. Sa kasalukuyan, may ilan pa umanong mahahalagang kagamitan ang naiwan sa bahay ngunit hindi na sila pinapayagang pumasok sa private property.

Samantala, sinubukan namang kunin ng IFM News Dagupan ang pahayag ng kabilang panig ngunit tumanggi sila base na rin sa diskresyon ng kanilang legal adviser.

Nakatakda pang makipag-ugnayan ang himpilan sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board sa Urdaneta City upang linawin ang isyu. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments