May-ari ng getaway vehicle na ginamit sa pananambang kay Aparri Vice Mayor Alameda, tukoy na ng PNP

Alam na ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakakilanlan o yung registered owner ng getaway vehicle na ginamit sa pananambang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at limang iba pa sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Linggo.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, natukoy ng PNP Highway Patrol Group ang chassis at engine numbers ng sasakyan na ginamit sa ambush kahit ito ay tampered.

Ani Fajardo, agad silang nakipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) kaya’t tukoy na nila ang pangalan ng may-ari ng sasakyan.


Sa ngayon, may koordinasyon na ang Special Investigation Task Group (SITG) sa local police upang mahanap ang registered owner.

Pagbibigay diin ni Fajardo, hindi pa masabi sa ngayon ng mga awtoridad kung ang registered owner ay siya pa ring nagmamay-ari ng sasakyan hanggang ngayon.

Nabatid na iniwan ang naturang getaway vehicle sa Solano, Nueva Vizcaya kung saan sinunog pa ito ng mga suspek.

Facebook Comments