May-ari ng Hong Kong vessel na MV Vienna Wood at pamilya ng mga mangingisda na sakay ng FV Liberty 5 nagka-areglo na

Inanunsyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na mayroon nang nabuong settlement agreement sa pagitan ng Hong Kong vessel na MV Vienna Wood at FV Liberty 5.

Ito ay matapos na mabangga ng nasabing Hong Kong vessel ang lantsa ng mga mangingisdang Pinoy sa karagatang ng Mamburao, Occidental Mindoro.

Ayon kay Coast Guard Commandant Admiral George Ursabia Jr., plantsado na ang kasunduan sa pagitan ng pamunuan ng MV Vienna Wood at FV Liberty 5 at nang mga kaanak ng 12 mangingisda at dalawang pasahero nito.


Ayon kay Ursabia, nitong Lunes nagkaroon ng pag-uusap ang mga opisyal ng MV Vienna Wood at ang mga kamag-anak ng mga mangingisdang sakay ng FV Liberty 5.

Sa naturang kasunduan, makakatanggap ng tig-iisang milyong piso mula sa MV Vienna ang bawat pamilya ng 12 mangingisdang Pinoy at ang dalawa nitong pasahero na nawawala pa rin matapos lumubog ang kanilang barkong pangisda.

Tatanggap naman ang Irma Fishing and Trading Corporation na may-ari ng FV Liberty 5 ng 40 million pesos bilang settlement mula sa MV Vienna para sa nasira nitong barko.

Facebook Comments