Ipinatatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng itim na Mercedes Benz na sangkot sa pamamaril sa isang 65 anyos na motorista sa EDSA-Ayala sa Makati City kahapon.
Kasunod ito ng inilabas na Show Cause Order (SCO) ng LTO upang paharapin sa tanggapan ng LTO-NCR ang rehistradong may-ari ng sasakyan mula Las Piñas City at ipaliwanag ang nangyaring insidente.
Kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle ang kinakaharap ng may-ari ng sasakyan.
Ang kasong kriminal kaugnay ng pamamaril ay iniimbestigahan na ng PNP.
Mariing paalala ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa mga motorista na iwasan ang init ng ulo sa kalsada dahil wala naman aniyang magandang maidudulot ito.
Matatandaan na nangyari ang pamamaril dakong alas-2:00 kahapon sa EDSA-Ayala tunnel Southbound kung saan nagkaroon umano ng alitan sa trapiko ang driver ng Mercedez Benz at Multi-Purpose Vehicle na nauwi sa pamamaril.
Sa ngayon, naaresto na rin ng National Capital Region Police Office ang suspek sa ‘road rage.’