Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi na maniningil ng bayad sa renta ang kumpanyang 2Go para sa pagpapagamit ng dalawa nilang barko sa pier sa Maynila bilang mga floating quarantine facilities ng gobyerno para sa mga COVID-19 patients.
Nagpaabot na rin ng pasasalamat ang Department of Transportation (DOTr) sa pamunuan ng 2Go Group Inc. na pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy.
Una nang inamin ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa Laging Handa briefing na hindi libre ang paggamit ng dalawang barko ng 2Go dahil aabot sa ₱35 milyon ang binabayarang renta rito ng gobyerno.
Sinabi noon ng kalihim na mas mura na ito kung titingnan ang serbisyo at pasilidad sa naturang mga barko.
Sa press statement ng PCG na isa sa mga attached agency ng DOTr, sinabi nito na ang inisyal na rate para sa renta ng nasabing mga barko ay aabot sana sa ₱120 million.