May-ari ng puting Cadillac Escalade, nasa 24 lamang sa buong bansa

PHOTO: Land Transportation Office

Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) kay Senator Raffy Tulfo na kakaunti lamang ang mga nagmamay-ari ng Cadillac Escalade sa Pilipinas.

Nakipag-ugnayan si Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Public Services, sa LTO matapos malaman ang pagdaan ng isang SUV sa EDSA bus lane na sa halip na makipag-cooperate ay muntik pang sagasaan ang tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng DOTr at naging arogante pa ito sa lady enforcer na sumuway sa kanila.

Sinabi ni Tulfo na batay sa LTO, nasa 24 lamang sa buong bansa ang nagmamay-ari ng puting Cadillac Escalade.


Kaya naman, tiwala ang senador na madaling matutukoy kung sino ang owner ng naturang SUV na gumamit pa ng pekeng protocol plate number 7.

Naipadala rin ng LTO sa senador ang mga screenshot ng sakay ng SUV kung saan ang isa na nagbukas ng bintana sa front seat ay hinihinalang security aid habang ang nasa likod na sumenyas pa ng “dirty finger” ay hinihinala namang VIP.

Tiniyak naman ni Tulfo na tutulong at magiging patas sa naturang isyu.

Facebook Comments