May-ari ng Rice Mill Nahatulan ng Anim na Taong Pagkabilanggo Dahil sa Hindi Pagbayad ng Kontribusyon sa SSS

Hinatulan ng Mababang Hukuman ng Cauayan, Isabela ang may-ari ng rice mill dahil sa hindi pagbabayad ng mahigit P50,000 na halaga ng Social Security System (SSS) kontribusyon ng kanyang mga empleyado na isang paglabag sa Republic Act 8282 o ang Social Security Act of 1997.

Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na nasentensyahan ng anim na taon at isang araw na pagkakulong at pinagbabayad ng multang nagkakahalaga ng P20,000 si Eliza Manalata, ang may-ari ng Block M Enterprises.

“Ang hatol kay Manalata ay nagpapakita na seryoso ang SSS sa paghabol sa lahat ng pasaway na employers. Hindi importante kung malaki o maliit ang pagkakautang nila sa SSS, basta lumabag sila sa batas, parurusahan sila,” sabi ni Dooc.


Base sa desisyon, hindi binayaran ni Manalata ang buwanang kontribusyon ng mga empleyado nito mula Abril 2000 hanggang Marso 2003 na nagkakahalaga ng P59,829.73 kahit na ilang beses na siyang siningil ng SSS Cauayan.

Hindi din dumalo sa mga pagdinig si Manalata kahit na ilang subpoena at notices na ang pinadala sa kanyang bahay at opisina. Tatlo sa mga notices at subpoenas ay personal na inihain ng Philippine National Police ng Santiago, Isabela.

Batay sa rekord, noong Hunyo 7, 2017 ay sinabi sa korte ni Atty Carol Donato ng Public Attorney’s Office, abogado ni Manalata, na hindi nila ito mahanap.

Nagpadala ng sulat ang PAO kay Manalata at inuutusan itong pumunta sa kanilang opisina upang paghandaan ang kanyang kaso subalit hindi siya sumagot.

“Pinalampas ni Manalata ang pagkakataon upang madepensahan ang kanyang sarili at ang posibilidad na maayos ang kaso sa labas ng husgado. Ang hindi niya pagdalo sa pagdinig ng kanyang kaso ay inidkasyon na nilabag niya ang batas,” sabi ni Dooc.

Nananawagan si Dooc sa mga empleyado ni Manalata at sa publiko na ipaalam sa SSS ang kanyang kinaroroonan nang sa ganoon ay makolekta ang mga kontribusyon na hindi niya binayaran at makulong siya batay sa utos ng hukuman.

“Pinaaalalahanan naming muli ang mga employers na may responsibilidad sila na ireport ang mga empleyado sa SSS at bayaran ang kanilang kontribusyon ng buo at sa tamang oras. Nananawagan din kami sa aming mga miyembro na bantayan ang kanilang buwanang kontribusyon sa SSS upang masigurong ginagawa ng mga employers ang kanilang obligasyon.

Facebook Comments