
Cauayan City – Dumipensa ang may-ari ng RPF Construction laban sa mga batikos hinggil sa umano’y pagkaantala ng Balzain-Caritan Creek Flood Control Project sa lungsod ng Tuguegarao.
Giit ni Ronnel Foronda, may-ari ng kompanya, hindi maaaring apurahin ang paggawa ng naturang proyekto dahil posibleng masira lamang ang semento kung hindi ito gagawin ng maingat.
Paliwanag pa ni Foronda, walang nakaprogramang reinforcement bars sa concrete road pavement ng proyekto kaya’t doble ang kanilang pag-iingat, partikular sa paggawa ng backfill at sa tamang pagtimpla ng semento. Ito aniya ang dahilan kung bakit tila mabagal ang pag-usad ng konstruksyon.
Dagdag pa ni Foronda, wala umanong substandard na proyekto ang RPF Construction sa alinmang bahagi ng probinsya.
Aniya, palagi nilang tinitiyak na sumusunod sa tamang pamantayan ang kanilang mga proyekto upang masiguro ang kalidad at tibay ng mga ito.
Kasabay nito, hinamon din ni Foronda ang mga kritiko na magsampa ng kaso kung may nakikita silang katiwalian sa kanilang proyekto at iginiit na bukas ang kanilang kompanya sa imbestigasyon at handa siyang sagutin ang anumang akusasyon sa korte.









