
Nagpalabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari ng truck at sa driver nito na nakuhanan ng video na lumabag sa reckless driving habang binabagtas ang South Luzon Expressway (SLEX).
Sa inisyal na imbestigasyon ng LTO batay sa viral video, naaktuhang binabaybay ng truck ang inner lane o overtaking lane ng SLEX kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng naturang lane sa mga trak.
Ayon sa ahensya, malinaw na paglabag sa batas trapiko ang ginawa ng driver at posible magdulot ito ng matinding panganib sa kaligtasan ng iba pang motorista.
Base sa nakasaad sa inisying SCO, pinapaharap ang mga driver at may-ari nito sa LTO – Intelligence and Investigation Division upang magsumite ng beripikado at sinumpaang paliwanag kasama ang iba pang dokumento kung bakit hindi dapat sila masampahan ng kasong reckless driving, disregarding traffic sign, at improper person to operate a motor vehicle.
Bukod sa SCO, pansamantalang sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver habang ilalagay naman sa alarm status ang nasabing trak.
Iginiit ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na kung sakali mang hindi humarap o magsumite ng paliwanag sa itinakdang araw ay maituturing na pagwawaksi sa karapatang marinig.
Dagdag pa niya na ang kaso ay diringgin at pagpapasyahan ayon sa mga umiiral na ebidensya at rekord ng insidente.
Muling nagpaalala si Lacanilao sa mga may-ari at driver ng mga truck na sumunod sa mga batas at regulasyon sa trapiko lalo na sa mga expressway upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at makaiwas sa aksidente.










