May-ari ng Vietnam ship na nagligtas sa 22 Pilipinong mangingisda sa Recto Bank, nagsalita na

Sinariwa sa alaala ng may-ari ng Vietnamese boat kung paano nila iniligtas ang 22 Pilipinong mangingisdang palutang-lutang sa dagat matapos banggain ng Chinese vessel ang bangkang pangisda nito sa Recto Bank.

Sa isang artikulo, ayon kay Ngo Van Theng, ang kanyang TGTG-90983-TS fishing boat ay naka-angkla rin sa Recto Bank nang magising ang kanyang mga kasama sa boses ng mga dayuhan.

Ang kapitan ng kanilang barko na si Nguyen Thanh Tam ay gumamit ng flashlight para kilalanin ang mga dayuhan at nakita ang dalawang maliliit na bangka na palapit sa kanilang barko.


Lulan ng mga bangka ang mga Pilipinong mangingisda na gumamit ng hand signals para makapag-communicate sa kanila.

Akala pa ng kapitan ng barko na pirata ang mga mangingisda, pero napansin niyang basa ang mga ito at nanginginig sa sobrang lamig.

Sumenyas ang mga Pilipino na pumunta sa itinuturo nilang direksyon sa Recto Bank matapos silang isakay sa kanilang barko.

Matapos ang isang oras na biyahe, natagpuan nila ang 20 Pilipinong nakasuot ng life jackets at nakahawak sa mga lumulutang na plastic at kahoy mula sa lumubog na F/B Gem-Ver 1.

10 Vietnamese fishermen ang tumulong para sagipin ang mga Pilipino at isakay sa kanilang barko.

Humiram ang mga Pilipino ng radyo mula sa mga Vietnamese at ginamit ito para makausap ang iba pang Pilipinong mangingisda sa lugar.

Dito na inilipat ang mga nailigtas na mangingisda sa A/G Thanksgiving.

Facebook Comments