May-ari ng warehouse kung saan nasabat ang 3.6 billion pesos na shabu sa Pampanga, pinapaharap sa pagdinig ng Kamara

Nagpasya ang House Committee on Dangerous Drugs, na padalhan ng subpoena para paharapin sa pagdinig ang may-ari ng warehouse sa Mexico, Pampanga na nakilalang si Willy Ong.

Sa naturang warehouse nasabat noong nakaraang buwan ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.6-billion.

Ang naturang pasya ay base sa motion nina Antipolo City Rep. Romeo Acop at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, na inaprubahan ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na siyang chairman ng committee.


Kasama ding papadalhan ng subopoena si dating Mexico municipal government employee Roy Gomez na siya umanong nag-asikaso ng mga permit para maitayo ang nasabing warehouse.

Bukod dito ay kinatigan din ng komite ang isinulong nina Acop at Pimentel, na paharapin sa susunod na pagdinig ng komite si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman and administrator Jonathan Tan.

Samantala, kaugnay pa rin sa nasabing shipment ay nagsagawa naman ng briefing sa komite ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng isang executive session.

Facebook Comments