Manila, Philippines – Sinampahan na ng kasong kriminal ang 10 indibidwal kabilang ang whistleblowers at executives ng Wellmed Dialysis and Laboratory Center Corporation dahil sa pagkakasangkot sa “ghost dialysis” scam.
Ang reklamo ay inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na inaakusahan ang 10 respondents ng estafa at falsification of public documents na paglabag sa revised penal code.
Mula sa 10 respondents, tatlo ang inaresto at nagpakita para sa inquest sa Department of Justice (DOJ) kabilang ang may-ari ng Wellmed na si Dr. Bryan Christopher Sy at ang dalawang whistleblowers na sina dating empleyado ng Wellmed na sina Liezel Santos at Edwin Roberto.
Ang iba pang respondents ay mga opisyal at empleyado ng Wellmed na sina Dr. John Ray Gonzales, Claro Sy, Alvin Sy, Therese Francesa Tan, Dick Ong, Dr. Porsha Natividad at Dr. Joemie Soriano.
Dumepensa si NBI Deputy Director Ferdinand Lavin sa desisyon ng mga imbestigador na isama sa reklamo ang mga whistleblower.
Ani Lavin, kapag ginamit nila ang mga whistleblower bilang state witness, magiging criminally charged sila at maghahain sila ng mosyon para maalis sila mula sa mga charges.