MAY BASEHAN | PNP, nagpaliwanag sa hindi pagtanggap kay Mark Taguba sa PNP Custodial Center sa Camp Crame

Manila, Philippines – May pinagbasehan ang Philippine National Police para hindi tanggapin sa PNP Custodial Center si Custom Broker Mark Taguba.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt John Bulalacao, batay sa inilabas na circular ng Office of the Court Administrator noong 2010 na nag-uutos sa mga korte na iwasang ipakulong sa PNP Custodial Center ang mga naaresto dahil na rin sa ginagawang pag-upgrade sa management nito.

Paliwanag ni Bulalacao, mas praktikal kung sa Maynila na lamang ikukulong si Taguba lalo’t doon din naman dinidinig ang kanyang kaso.


Nilinaw naman ni Bulalacao na hindi bawal ang pagpapakulong sa mg naaresto sa Custodial Center, sa halip limitado lang aniya ito sa mga bilanggong High Risk at High Profile tulad ni Sen. Leila De Lima at si dating Senador Bong Revilla.

Sa kasalukuyan, balik sa kulungan sa NBI si Taguba matapos tanggihan ng PNP Custodial Center kahapon.

Facebook Comments