Manila, Philippines – Nababahala ang ilang senador na maisantabi ang mga mahahalagang panukalang batas sa Senado sa oras na iakyat na sa kanila ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senator JV Ejercito, bagama’t first time niyang aakto bilang impeachment court judge ay hindi siya excited dahil mauubos na dito ang oras nila.
Ilan sa mga panukalang isinusulong ni Ejercito ang Universal Health Care at paglikha ng Department of Housing.
Idinagdag pa ni Senator Win Gatchalian ang Bangsamoro Basic Law at Competitive Selection Process bill na magpapababa sa bayad sa kuryente.
Binanggit pa ni Gatchalian, na may mga importanteng pagdinig in aid of legislation din sila na maisasantabi.
Para naman kay Senator Joel Villanueva, maraming bagay ang mas dapat iprayoridad kumpara sa impeachment kay CJ Sereno.
Inihalimbawa ni Villanueva, ang pamamahagi nila ngayon ng relief goods sa Bicol.
Pero sa kabila nito ay tanggap naman ng mga senador na ang pag-ganap bilang mga mahistrado ng impeachment court ay bahagi ng kanilang constitutional duty na dapat nilang tuparin.