Manila, Philippines – “Ngayong araw ng mga puso, tunay nang nagmamahalan ang lahat. Nagmamahalan ang bigas at bilihin habang gobyerno na lamang ang mumurahin.”
Ito ang isinisigaw ng grupong Bantay Bigas sa kanilang kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA).
Minaliit ni Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas ang ipinangangalandakan ni Agriculture Secretary Manny Pinol na sapat ang suplay ng bigas sa pamilihan.
Aniya, bagamat totoong may sapat na bigas sa merkado, hinahayaan naman ng gobyerno na makonsentra sa kamay ng mga mapagsamantalang traders.
Binigyan diin ni Estavillo na sa ngayon ay pa lima limang kilo na lamang ang binibili ng mga nanay at nagluluto na lamang ng lugaw para mapahaba ang gamit ng nabiling bigas.
Ang masakit aniya kahit sa mga maliliit na karinderia, wala ng mabiling sampung pisong kanin dahil apektado na rin ng artipisyal na pagkukulang ng bigas.