Manila, Philippines – Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na natalakay kagabi sa cabinet meeting, na dapat walang mga onerous o tagilid na mga probisyon sa kanilang concession agreement ang Manila Water at Maynilad.
Sinabi ng Pangulo na ang tubig ay natural resources at hindi maaaring gawin bilang commercial commodity at gawing gatasan at pagkakitaan ng malalaking negosyante.
Paliwanag ni Panelo kapag hindi pumayag sa bagong kontrata ay ita-take over ng gobyerno ang water distribution o iaalok sa bagong concessionaire.
Ito ay matapos sabihin ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) kay Pangulong Duterte na ang 1997 concession agreement ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad ay itinuturing na void ab initio o walang bisa sa simula pa lamang dahil lumalabag ang mga probisyon ng kasunduan sa Anti-Corrupt Practices Act at mismong saligang batas.
Niliwanag ni Panelo na kung tatanggapin ng Manila Water at Maynilad ang bagong kontrata hindi nangangahulugan na ligtas na ang mga ito sa criminal liabilities.