Manila, Philippines – Tiniyak ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang magsasabi sa publiko kung mayroong nangyaring katiwalian o iregularidad sa programang Dengue Vaccine Program ng Department of Health (DOH).
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng balita na 10% umano ng mga nabigyan ng dengue vaccine ay posibleng magkaroon ng mas malalang sintomas ng nasabing sakit.
Sinabi ni Roque na hindi palalampasin ni Pangulong Duterte ang issue lalo pa kung sakaling mayroon itong bahid ng katiwalian.
Una nang sinabi ni Roque na wala namang dapat ikabahala ang publiko sa nasabing issue.
Kaugnay niyan ay tiniyak ngayon ng Department of Health na handa silang humarap sa anomang naka ambang imbestigasyon o kakaharaping kaso kaugnay sa kontrobersiyal na dengue vaccine o Dengvaxia.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Health Undersecretary Lyndon Lee Suy na para maging malinaw ang issue sa publiko ay handa silang humarap sa anomang imbestigasyon.