Manila, Philippines – Lumapit na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano’y reklamo ng katiwalian sa ilang tauhan ng Philippine Overseas and Employment Administration (POEA).
Ito ay matapos alisin kahapon ng DOLE ang suspension order sa pagpo-proseso ng Overseas Employment Certificate (OEC).
Sa interview ng RMN kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi niyang kahit naantala ng labing-limang araw ang proseso ng OEC ay tuloy ang kanilang imbestigasyon sa mga nangyayaring iregularidad sa POEA.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na nagpatupad na rin ng malawakang balasahan ang POEA.
Kasama sa balasahan ang mga opisyal at empleyado ng POEA na direktang may partisipasyon sa pagproseso ng mga dokumento at pagpapalabas ng Overseas Employment Certificates (OEC) na isa sa mahahalagang requirement para sa deployment ng OFW.
Bukod dito, pinalitan rin ang security at janitorial services ng POEA na sinasabing sangkot umano sa illegal recruitment at iba pang anomalya.