May krisis o wala, mamamayan una sa Lacson admin

Kahit saan mang lupalop ng mundo makarating si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sakaling mahalal bilang ika-17 pangulo ng bansa, sisiguraduhin niya na hindi mapapabayaan ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo na sa panahon ng krisis.

Inihayag ito ni Lacson sa katatapos na presidential interview ng DZRH at The Manila Times kung saan isinalang siya sa isang ‘strategic crisis scenario’ upang masuri kung gaano siya kabilis mag-desisyon at gumawa ng aksyon bilang pinuno.

Sa nasabing forum, tinanong si Lacson ng mga panelista kung ano ang kanyang gagawin sakaling maharap ang Pilipinas sa isang matinding kalamidad gaya ng super typhoon at nagkataong wala siya sa bansa dahil nakatakda siyang humarap sa United Nations (UN) at magbigay ng talumpati.


Kung mangyari man ito sa hinaharap, sabi ni Lacson, ay gagamitin niya ang entablado ng UN upang umapela ng malawakang humanitarian response para sa mga nasalanta ng kalamidad sa Pilipinas bago tumulak pabalik ng bansa at personal na pangasiwaan ang mga hakbang ng gobyerno kaugnay dito.

“Mananawagan ako sa mga—hindi lamang sa United Nations—[kundi] doon sa mga nandoon… Tamang-tama lang, kasi mananawagan ako sa kanila ng tulong, ‘yung emergency [assistance]… Napakagandang pagkakataon ‘yon, parang blessing ‘yon,” ayon kay Lacson.

“Pagkatapos noon, makapagsalita, ako’y—ika-cut short ko ang aking visit at ako’y uuwi ng Pilipinas para personal na makita ang kalagayan at personal na pangasiwaan [ang hakbang ng gobyerno] sa pamamagitan ng pag-mobilize ng ating mga agencies na dapat tumugon dito,” dagdag pa niya.

Binanggit din ni Lacson na malaking tulong sa mga pagkakataong ‘yan ang naging karanasan niya bilang Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery pagkatapos manalasa ang Super Typhoon ‘Yolanda’ noong 2013 dahil alam na niya ang gagawin sakaling mangyari ulit ang ganitong uri ng krisis.

Subalit ayon kay Lacson, paiiralin pa rin niya ang prinsipyo ng pagtulong sa kapwa at pagbibigay ayuda sa ngalan ng serbisyo publiko at hindi upang magpabida at magpasikat para sa pansariling interes.

“I’ll be consistent. Election or no election, tutulong… Huwag tayong tutulong at magpapa-photo op… Kasi ‘yon ang tinatawag ko na ‘politics of self-interest.’ Ako, ang sinusundan ko lagi is ‘politics of service.’ May pagkakaiba po doon,” saad ni Lacson kay Malou Mangahas sa hiwalay na panayam.

Kilala si Lacson bilang isang lingkod-bayan na tahimik na tumutulong sa mga Pilipinong nangangailangan may kalamidad man o wala dahil naniniwala siyang kung taos sa puso ang gagawing pagtulong ay hindi na ito kailangang ipangalandakan pa.

Facebook Comments