Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacanang na mayroong nagawang mali ang Bureau of Immigration (BI) sa pag-aresto kay Australian Missionary Sister Patricia Fox.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dahil mayroong nagawang mali ay mayroong dapat humingi ng paumanhin kay sister Fox.
Ito ang sinabi ng Malacanang sa harap na rin ng pagkakaaresto ng BI kay sister Fox dahil umano sa paglahok nito sa mga political rally na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa dahil ito ay isang dayuhan.
Pero matatandaan naman na matapos ang isang araw ay agad din naman pinakawalan ng BI si Sister Fox.
Binigyang diin ni Roque na walang karapatan ang mga dayuhan na manghimasok sa usapin sa pulitika sa Pilipinas at hindi din aniya papayag ang pamahalaan na manghimasok ang sinomang dayuhan sa anomang panloob na usapin sa bansa.