Manila, Philippines – Nananatiling buo ang Hudikatura.
Ito ang naging laman ng mensahe ni Acting Chief Justice Antonio Carpio sa ika-isang daan at 17 anibersaryo ng Korte Suprema.
Ayon kay Carpio, ang lahat ng mga desisyon ng Korte Suprema ay nagiging batayan ng lahat ng mga hukuman sa bansa sa kanilang pagdedesisyon sa mga kaso.
Sinabi pa ni Carpio na magkakaiba man ang kanilang mga opinyon at paniniwala, sila naman ay nananatiling buo sa pagtiyak ng integridad at kalayaan ng Korte Suprema.
Ito ang unang pagkakataon na ipinagdiwang ng Korte Suprema ang kanilang anibersaryo matapos na mapatalsik si Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kabilang din sa mga dumalo sa nasabing selebrasyon sa Supreme Court Quadrangle sina Associate Justice Teresita Leonardo De Castro, Associate Justice Perlas Bernabe ,Court Administrator Jose Midas Marquez gayundin ang mga kawani ng Court of Appeals at regional trial courts.