Manila, Philippijnes – Walang nakikitang problema ang Palasyo ng Malacanang kung magkukusa ang Anti-Money Laundering Council na imbestigahan o buksan ang bank account ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sagot ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, sa tanong na kung aatasan ba ni Pangulong Duterte ang AMLC na makipatulungan sa imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa sinasabing tagong yaman ng Pangulo.
Ayon kay Roque, kung gugustuhin ng AMLC ay maaari namang magkusa ito na buksan ang bank account ng Pangulo pero ang problema lang aniya ay wala namang katuturan ang alegasyon ni Senador Antonio Trillanes IV at walang bago sa ibinabato nito.
Matagal na rin aniyang sinabi ng Pangulo na buksan na ang kanyang bank account para magkaalaman na dahil wala naman aniyang itinatago ang Pangulo.
Nabatid na tinuldukan na ng Ombudsman ang imbestigasyon sa umanoy tangong yaman ng Pangulo dahil wala namang umanong ebidensiya laban dito.