Manila, Philippines – Ayon kay Senate President Tito Sotto III, sa pamamagitan ng pagpasa ng isang batas ay maaring suspendehin ang 2019 elections.
Paglilinaw ito ni Sotto sa nauna niyang pahayag na tanging pag-amyenda lang sa article VI, section 8 ng 1987 constitution ang pwedeng paraan para hindi matuloy ang parating na halalan.
Pahayag ito ni Sotto, makaraang matanggap mula sa consultative committee o con-com ang kopya ng binuo nitong draft ng federal constitution.
Ayon kay Sotto, bibigyan muna niya ng kopya ng draft ang lahat ng senador para mapag-aralan itong mabuti at makapagpasa ng resolusyon para sa pagbuo ng constituent assembly na syang daan para maamyendahan ang saligang batas at maisagawa ang pagpapalit sa porma ng gobyerno patungong Federalism.
Bunsod nito ay plano ni sotto na magpatawag ng caucus o pulong ng mga senador sa susunod na Linggo o bago ang pagbubukas session sa July 23 para pag-usapan ang mga hakbang at posibleng scenario kaugnay sa planong Cha-cha.