Pinupulong ngayon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Manila Health Sector na pinangungunahan ni Vice Mayor Dra. Honey Lacuna kaugnay sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 cases at mass vaccination sa lungsod.
Sa nabanggit na pulong ay binanggit ni Mayor Isko na simula bukas ay pati mga health centers ay bubuksan na para sa mga hindi pa nababakunahan.
Sinabi ni Domagoso kakaunti na lang ang Manileño na hindi pa nababakunahan.
Dahil dito ay inatasan ni Mayor Isko ang mga hospital directors ng Manila Local Government Unit (LGU) na bakunahan na lahat ng pupunta sa kanila kahit hindi taga-Maynila.
Ipinag-utos din ni Domagoso na bigyan ng gamot tulad ng Tocilizumab, at ipasok sa ospital ng lungsod kahit hindi taga Maynila.
Samantala, ngayong araw ay 1,672 ang naitalang aktibong kaso ng COVID-19 sa Maynila, kung saan 253 ang mga bagong nahawaan ng virus at 304 naman ang mga bagong gumaling.