Hindi na magtatagal pa at makakaranas na ng libreng wifi ang ilang pampublikong tanggapan at ospital sa Lungsod ng Maynila.
Ito ay makaraang lumagda sa isang Memorandum of Agreement o MOA ngayong hapon si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at PLDT-Smart President and CEO Manny Pangilinan.
Base sa kasunduan, maaring magamit ang 30-minutong libreng wifi sa kada araw sa anim na mahalagang establisyemento sa Maynila.
Kinabibilangan ito ng Manila City Hall, Ospital ng Maynila, Tondo Medical Center, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Universidad De Manila at Museo Pambata.
Layunin ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na magkaroon ng pagkakataon ang mga taga maynila na makakonek sa kanilang malalayong kaanak at kaibigan sa araw araw.
Malaking tulong din ito para sa komunikasyon ng magkakapamilya kahit sila ay nasa trabaho.