Nababahala si Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe sa putul-putol na serbisyo ng tubig sa west service zone ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Nabatid ni Poe na ilang bahagi ng Metro Manila ang nakakaranas ng water interruptions sa zone na sakop umano ng Maynilad Water Services Inc. (Maynilad) noong Disyembre ng nakaraang taon at nitong Enero.
Giit ni Poe, sa ilalim ng revised concession agreements (RCA), ang mga concessionaire ay kailangang magkaroon ng alternatibong water supply tuwing may scheduled water interruption.
Paliwanag ni Poe, sa ilalim ng RCA, ang pagkabigong magbigay ng 24 oras na suplay ng tubig sa itinakdang pressure sa loob ng 15 araw ay dahilan para makansela ang kasunduan.
Diin ni poe, kung hindi tutuparin ng mga concessionaire ang kanilang mga obligasyon, ay magmumulta sila o makakansela ang kanilang prangkisa.
Kaugnay nito ay hinihingan ni Poe ang MWSS ng report ukol sa resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa water interruptions sa Maynilad service area.