Maynilad at Manila Waters, may contingency measures na sa gitna ng bumababang lebel ng tubig sa Angat Dam

Bumubuo na ang Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc. ng mga hakbang para mabawasan ang epekto ng mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Ayon kay Maynilad Corporate Communications Head Jennifer Rufo, nakikipag-ugnayan na sila sa National Water Resources Board (NWRB) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para tugunan ang posibleng epekto ng mababang lebel ng tubig.

Aniya, nagtayo na ang Maynilad ng apat na modular treatment facility sa iba’t ibang lugar at pinagagana na rin nila ang ilang deep well para magdagdag ng mas maraming suplay ng tubig.


Ang mga proyektong ito aniya ay matatapos bago pa magsimula ang dry season.

Sinabi naman ng Manila Water na nakahanda na rin ang kanilang treatment facility at deep well sakaling maapektuhan ng mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.

Nauna nang inulat ng NWRB na ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay maaaring numipis hanggang sa kritikal na antas na 180 metro sa Abril.

Facebook Comments