Inatasan ng Manila Water Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO) ang Maynilad Water Services Inc., na magsagawa ng rebate sa kanilang mga customer na naapektuhan ng pagkasira ng kanilang water treatment plant sa Putatan, Muntinlupa City.
Umaabot sa ₱27. 4 million ang itinakdang multa ng MWSS laban sa Maynilad dahil sa halos isang buwan na water interruption.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng MWSS-RO, nakitaan nila ng kapabayaan ang naturang kompanya na tiyakin may suplay ng tubig ang kanilang mga customer sa mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque at ilang bahagi ng Cavite.
Nasira noong Disyembre 2022 ang water treatment plant ng Maynilad na naging sanhi para mawala ang serbisyo nila sa mga customer.
Sabi ng MWSS, dapat umanong simulan ng Maynilad ang rebate sa mga customer nito ngayon buwan ng Pebrero.
Sagot naman ng Maynilad, tatalima sila sa kautusan na ito ng MWSS-RO at itinakda nila sa Enero 31, 2023 ang public forum kaugnay nito.
Isasama umano nila sa February billing ang rebate upang agad itong maibalik sa mga customer.