Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na subject for resolution na ang kaso kay suspended Bamban Mayor Alice Guo at 13 pa nitong kapwa akusado sa kasong human trafficking na inihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ayon kay DOJ Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano, ito ay dahil sa pagkabigo ni Guo na magsumite ng counter-affidavit kaugnay sa kinakaharap na kaso sa pinakahuling isinagawang Preliminary Investigation.
Ito sana ang huling pagkakataon ng kampo ng alkalde upang sumagot sa mga alegasyon na nag-uugnay sa kaniya sa operasyon ng iligal na POGO.
Sinabi pa ni Clavano na wala nang ibibigay na palugit para sa kontrobersiyal na alkalde.
Sa kabila nito, tatlong indibidwal naman kabilang si Dennis Cunanan ang binigyan ng extension sa iba’t ibang dahilan.
May sampung (10) araw aniya o hanggang August 16 ang tatlo para magsumite ng kanilang counter-affidavit.