Nagsumite ang kampo ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng Clarification Letter sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Malacañang ngayong araw para sagutin ang mga akusasyon sa umano’y pagkasasangkot nito sa mga iligal na operasyon sa POGO hub sa Bamban, Tarlac.
Sa liham, umaapela si Guo ng patas na imbestigasyon kaugnay sa mga paratang laban sa kaniya.
Mariin ding itinaggi ng alkalde ang mga akusasyong ipinupukol laban sa kaniya kaugnay ng mga kasong kinahaharap nito sa Ombudsman.
Kabilang sa mga kasong ito ang money laundering, human trafficking, kidnapping at iba pang krimen na may kaugnayan sa Baofu Land Development Inc. at POGO operations sa Bamban.
Ayon kay Guo, itinatag ang nasabing kompanya nang naaayon sa batas ng bansa at lehitimong nakarehistro sa panuntunan ng Securities and Exchange Commission.
Nag-divest din aniya siya sa kompanya kaya walang basehan para idawit siya sa usaping ito.
Hindi rin aniya totoo ang mga kwento na tumakbo siyang alkalde para protektahan ang Baofu Land Development Inc.
Nakasaad naman aniya sa mga dokumento na legal niyang pinutol ang kaniyang ugnayan sa kumpanya bago pa man siya mahalal sa pagka-mayor ng Bamban.
Kumpiyansa si Guo na kung masusing masusuri ang impormasyon ay mapatutunayang wala siyang kinalaman sa lahat ng akusasyon laban sa kanya.
Handa rin daw siyang makipagtulungan sa anumang proseso ng imbestigasyon at magbigay ng anumang kinakailangang dokumento o testimonya para linisin ang kanyang pangalan.