Kinumpirma ng Taytay Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang paggaling sa COVID-19 ng alkalde at Municipal Health Officer ng bayan ng Taytay, Rizal.
Ayon kay Taytay MDRRMO Chief Paula Zapanta, tuluyan nang gumaling sa sakit na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sina Taytay Mayor Joric Gacula at Municipal Health Officer Dr. Jeff Roxas.
Paliwanag ni Zapanta, March 29 nang ihayag ni Mayor Gacula sa kanyang Facebook na positibo siya ng COVID-19 kaya’t kailangan nitong sumailalim sa self-isolation bilang pagsunod sa quarantine protocol.
Sinundan ito ng pagpositibo na rin noon ng mismong Health Officer ng bayan na si Dr. Roxas na madalas kasama ng alkalde sa paglilibot sa iba’t ibang mga barangay.
Batay sa rekord ng Municipal Epidemiology and Surveillance Unit aabot na sa 41 ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong bayan ng Taytay at 10 naman ang nakaka-recover kabilang na rito sina Mayor Gacula at Dr. Roxas.