Mayor at vice mayor ng Pilar Abra, kinasuhan na kaugnay sa nangyaring gulo sa compound ng bise alkalde

Nasampahan na ng kaso ng Philippine National Police (PNP) sina Pilar, Abra Mayor Maro Somera and Vice-Mayor Jaja Josefina Somera Disono at ilan pang indibidwal kaugnay ng nangyaring stand-off sa compound ng vice-mayor noong Marso 30.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Roderick Augustus Alba, si Mayor Somera at Vice Mayor Disono ay kinasuhan ng Violation of Republic Act 9208 as amended by RA 10364 o Expanded Trafficking in Persons Act.

Paliwanag ni Alba, ang kaso ay batay sa sinumpaang salaysay ng mga sumukong ex-military na tauhan ni Disono, na sila ay pinangakuan ng trabaho bilang citizen security unit ng munisipyo; ngunit ginamit sila na private bodyguards ng mayor at vice mayor ng walang paalam sa Commision on Elections (COMELEC).


Matatandaang nagtago sa compound ni Vice Mayor Disono ang mga armadong indibidwal na sakay ng isang van na bumunggo ng dalawang pulis at bumaril sa mobile patrol, matapos na tumakas sa isang checkpoint.

Ang mga sakay naman ng van ay kinasuhan ng Serious Disobedience to an Agent of a Person in Authority.

Kinilala ang mga ito na sina: Robert Boreta Toreno, 27, Local Government Unit (LGU) employee na driver ng van; Emmanuel Nicanor Valera, 26, LGU personnel; Jericho Toreno Bufil, 29, helper ni Vice Mayor Disono.

Si Bufil ay kinasuhan din ng multiple attempted murder sa kanyang pamamaril sa mga pulis.

Facebook Comments