Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa mahigit 60,000 doses ng COVID vaccine ang nai-deliver na sa Local Government Unit ng Cauayan.
Inihayag ito ni City Mayor Bernard Faustino Dy matapos maging panauhin sa Christmas Centerpiece 2021 lighting ng SM City Cauayan kagabi, Nobyembre 5, 2021.
Ayon sa alkalde, mula sa target na 97,348 na populasyon ng lungsod tinatayang nasa 20,000 pa lamang ang nakatatanggap ng second dose ng bakuna habang 40,000 naman sa unang dose.
Kaugnay nito, asahan aniya ang libu-libong dagdag na bakuna sa mga susunod na araw upang higit na makatugon na mabakunahan ang mga Cauayeño laban sa virus.
Samantala, umaasa rin ang opisyal na unti-unti ng makakabangon sa ekonomiya ang lungsod dahil sa inaasahang mga paparating na bakuna.
Nagpasalamat naman si Mayor Dy sa pamunuan ng SM City Cauayan sa pagiging katuwang sa ginagawang pagbabakuna bilang vaccination site.